Direktang mapupunta sa mga lokal na pamahalaan ang P16.5 bilyon na budget para sa Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ang nilinaw ni NTF-ELCAC Executive Director at National Commission on Indigenous Peoples Chair Allen Capuyan kasunod ng panawagan ng ilang mambabatas na tanggalan ng pondo ang task force.
Ayon kay Capuyan, kung ire-reallocate ang pondo para sa programa ng NTF-ELCAC ay para na ring kinukuwestiyon ang intensiyon ng mga lokal na opisyal at ng kanilang mga nasasakupan o constituents.
Dahil direkta aniyang napupunta sa mga local government units o LGUs ang pondo, magiging benepisyaryo din nito ang Indigenous Cultural Communities (ICC) at Indigenous Peoples (IPs).
Giit pa ni Capuyan, maliban sa mahigit walong daang barangay, makikinabang din dito ang tinatayang 350 ancestral domains sa buong bansa na matagal na aniyang napagkakaitan ng mga batayang serbisyo at kaunlaran.