Inanunsiyo ng Bureau of Customs (BOC) ang pagkakasabat sa 20 containers ng mga puslit na sibuyas at iba pang agricultural products na nagkakahalaga ng P171.35 milyon.
Ayon kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, isinalang sa examination ang mga shipment mula Dec. 6 hanggang 22 na nakapangalan sa Taculog J International Consumer Goods Trading.
Dumating sa Manila International Container Port (MICP) ang mga kargamento mula Nov. 12 hanggang Dec. 3.
Karamihan sa mga containers ay idineklarang naglalaman ng mantou o steamed buns habang ang ilan ay frozen food products tulad ng frozen prawn balls, frozen lobster, crab stick, udon noodles at fresh carrots.
Ngunit nang suriin ng BOC ay natuklasang naglalaman ang mga ito ng mga sibuyas at iba pang agri products.
Ayon kay Customs Deputy Commissioner Juvymax Uy, agad ding nagpalabas ng Warrants of Seizure and Detention (WSDs) laban sa lahat ng shipment habang inirekomenda rin ang paghahain ng kaukulang kaso at pagsuspinde sa accreditation ng importer at iba pang mga maaaring sangkot dito.