Nagkakahalaga ng P19-M umano’y puslit na asukal ang nasabat sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon sa Department of Agriculture (DA), nakalulan ang asukal sa limang container na cargo na dumating at nakumpiska nitong Miyerkules, Enero 11.
Nakadeklara ang kargamento bilang insulators, surge arresters, slippers outsoles, at styrene butadiene rubber, ngunit nang inspeksyunin ay naglalaman pala ng refined sugar.
Sa ngayon, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary James Layug na inihahanda na nila ang kaukulang kasong isasampa sa consignee ng shipment na Burias Jang Consumer Goods Trading.
Inilagay din sa Hold Order ang shipment kasunod ng kahilingan ng Office of the Assistant Secretary para sa Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement.
Mula Disyembre 2022 hanggang Enero 2023, aabot na sa kabuuang P78.9-M ang nasamsam ng Agriculture Department at iba pang ahensya ng gobyerno na iligal na inangkat na mga produktong pang-agrikultura sa MICP.