Mahigit P12-B ang pondong inilaan ng Department of Health (DOH) para sa pagbili ng COVID-19 vaccines sa susunod na taon.
Gayunman nasa P2.5-B lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng national expenditure program.
Binigyang diin ng DOH na hindi sasapat ang mahigit P2-B alokasyon kung target ng gobyerno na mabakunahan ang 20% ng populasyon sa Pilipinas.
Ang Pilipinas ay sumali sa Covax facility na isang inisyatibo na nangangako ng patas na distribusyon nang madidiskubreng epekto at ligtas na bakuha laban sa COVID-19 kung saan 20% ng bawat populasyon ng mga sumaling bansa ay tiyak nang mabibigyan ng bakuna.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng maabot ng estado ang tinatawag na herd immunity o proteksyon mula sa impeksyon ng sakit kung higit 60% ng mga Pilipino ang mababakunahan.
Kaya’t patuloy aniya ang apela nilang madagdagan pa ang budget para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.
Nilinaw ni Vergeire na hindi naman naka depende sa herd immunity ang gobyerno subalit mahalaga ring ikunsider ito ng gobyerno para mabigyan ng proteksyon sa sakit ang buong populasyon.