Dalawang (2) milyong piso ang nakalatag na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikalulutas ng pagpatay kay Judge Wilfredo Nieves ng Bulacan RTC Branch 84.
Si Judge Nieves ay pinagbabaril habang nakahinto sa stoplight ang kanyang sasakyan sa kahabaan ng McArthur Highway sa Barangay Tikay Malolos Bulacan.
Ayon kay Supt. Erwin Tadeo, hepe ng Malolos PNP, isang concerned citizen na tumangging magpakilala ang nag-alok ng isa at kalahating milyong pisong reward money samantalang ang kalahating milyong piso ay mula naman sa pamahalaang lokal ng Malolos.
Sa ngayon, sinabi ni Tadeo na tinitignan nila ang lahat ng anggulo sa pagpatay kay Nieves kabilang na ang posibleng koneksyon ng Dominguez Carnap Gang sa krimen.
“Patuloy pa rin po ang ating follow up operation at patuloy tayo sa paghahanap ng ebidensiya, at doon po sa examination na ginawa sa sasakyan ni judge, mayroon na pong na-recover doon na isang slug isasailalim pa po yun sa ballistic examination para ma-ascertain natin yung caliber na ginamit na baril.” Pahayag ni Tadeo.
Matatandaan na si Judge Nieves ang nagbaba ng hatol na 30 taong pagkakulong kay Raymond Dominguez, isa sa mga lider ng carnapping syndicate na nag-ooperate sa Metro Manila at karatig na mga lugar tulad ng Bulacan.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas