Nasabat ng mga awtoridad ang higit P2 milyong halaga ng umano’y pekeng sigarilyo sa ikinasang operasyon sa Barangay Balangasan, Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Ayon kay Police Lt. Col. Alvin Saguban, hepe ng Pagadian Police Station, nasa 67 na kahon ang kanilang nakumpiska at hinihinalang nagmula ito sa mga bodegang unang sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Customs (BOC) sa lungsod noong nakaraang linggo.
Sinasabing nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa mga kahina-hinalang tao at sasakyan na labas-pasok sa isang bahay sa Barangay Balangasan.
Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na siya namang kumuha ng mission order sa BOC dahilan para masabat ang mga pekeng yosi.
Inaalam pa kung may kinalaman ang ilang Chinese nationals sa operasyon ng pabrika ng pekeng sigarilyo sa naturang lalawigan.