Nasamsam ng mga otoridad ang aabot sa dalawang milyong pisong halaga ng assorted ukay-ukay sa isang bodega sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Ayon sa mga tauhan ng NBI-Cebu District Office, walang kaukulang papeles ang naturang mga ukay-ukay na hinihinalang galing sa ibang bansa.
Ayon kay NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, naglabas ng search warrant ang Regional Trial Court ng Lapu-Lapu City laban sa may-ari na kinilalang si Minj Abatayo kung saan, ang naturang mga produkto ay ibinebenta sa pamamagitan ng online sa negosyong Minj Ukay-Ukay Clothing.
Lumabas sa imbestigasyon ng NBI na ang subject place ng search warrant ay pag-aari ng isang nagngangalang Cressia Cabales-Antonio na sinasabing Manila Based Trader mula sa nakuhang certification sa Camella Homeowners’ Association at statements mula sa mga kawani na nagmamantine ng negosyo ng nasabing employer sa nasabing lugar.
Nakumpiska ang 300 bundles na assorted VIP used clothing na may estimated value na dalawang milyon.
Sa ngayon nahaharap sa RA 4653 o ang Illegal Commercial Importation of Used Clothing/Rugs na may kaugnayan sa Section 6 ng RA 10175 o ang Anti-Cybercrime Prevention Act of 2012 ang naturang suspek. —sa panulat ni Angelica Doctolero