Nanawagan ang mga tsuper ng TNVS o Transport Network Vehicle Service sa LTFRB o Land Transporation Franchising and Regulatory Board na ibalik ang dalawang piso kada minutong singil nito sa pasahe
Ginawa ng mga tsuper ang panawagan kasunod ng isinagawa nilang motorcade na tinawag na “Juan Journey” kaninang umaga mula Sgt. Esguerra Avenue patungong tanggapan ng LTFRB sa East Avenue sa Quezon City at saka nagsagawa ng noise barrage.
Dahil dito, bahagyang nagdulot ng pagbigat sa daloy ng trapiko ang mahabang motorcade na dumiretso naman sa Quezon Memorial Circle.
Magugunitang pinasinuspinde ng LTFRB ang paniningil ng Grab ng travel time charge dahil hindi anila ito aprubado ng board at inatasang ibalik sa mga pasahero ang naturang sobrang pasahe
Maliban sa Grab, inaakusahan din ng pagpapataw ng sobrang singil sa pasahe ang iba pang mga TNVS tulad ng hype transport systems.