Aminado si Pangulong Bongbong Marcos na kakayaning ibaba sa P20 ang kada kilo ng bigas pero hindi ito magiging madali at maaaring abutin pa ng mahabang panahon bago maipatupad.
Ayon kay Pangulong Marcos, mayroong mga hakbang na dapat pang isagawa bago maibaba ang presyo ng bigas, na isa sa kanyang pangako noong presidential campaign.
Ilan sa mga hakbang anya na dapat gawin ay ibalik ang National Food Authority sa dati nitong papel, bawasan ang importasyon at bumili sa mga local farmer.
Idinagdag ng pangulo na dapat ibenta ang buffer stock ng NFA pero hindi naman ito makatotohanan sa ngayon dahil talagang kailangang ibaba ang aktuwal na presyo sa pamamagitan ng pagpapalakas ng produksyon.
Bagaman binigyang-diin pa ng punong ehekutibo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng value chain, marami pang dapat isaayos at hindi magiging madali ang target na ibaba ang presyo ng bigas.