Bilang pasasalamat sa tulong na ibinibigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga magsasaka upang palakasin ang kanilang produksyon, nagsimula nang magbenta ang irrigators ng bigas sa halagang P20 per kilo.
Maaaring mabili ang naturang bigas sa Kadiwa outlets ng National Irrigation Administration (NIA).
Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, naging posible ang pagbebenta ng murang bigas dahil nakinabang ang asosasyon mula sa suporta at napakaraming ayudang ipinamahagi ng pamahalaan. Ngayon, nag-aalok sila sa mga kababayan natin ng bigas sa mababang halaga.
Nang tanungin kung malulugi ba sila sa pagbebenta ng napakamurang bigas, binigyang-diin ng irrigators na hindi, dahil kung gagamitin ang 63% formula ng National Food Authority (NFA), tinatayang P10 ang production cost ng bawat kilo ng bigas.
Ayon pa sa NIA chief, 100% ang nakukuhang kita rito ng mga magsasaka. Sa katunayan, nadodoble pa aniya ito.
Isa ang Kadiwa sa maraming programa ng administrasyon ni Pangulong Marcos na tutugon sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain. Binibigyan nito ang mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyo ng isang rent-free venue upang makapagbenta ng kanilang produkto.