Maaari nang makabili ng bigas sa halagang P20 per kilo ang mga kababayan natin sa Bicol.
Ito ay sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo program na alinsunod sa plataporma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas abot-kaya ang bigas para sa bawat pamilyang Pilipino.
Ibinenta ang murang bigas sa mga residente sa Bicol sa pamamagitan ng paglulunsad ng National Irrigation Administration (NIA) ng Kadiwa ng Pangulo program sa Ligao City, Albay.
Kabilang sa mga maaaring makabili ng P20 per kilong bigas ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, at Persons with Disabilities (PWDs).
Mura rin namang mabibili ng regular customers ang bigas sa Kadiwa stores sa presyong P35 per kilo.
Sa isang pahayag, ibinahagi ng NIA ang kanilang suporta sa inisyatiba ng pamahalaan na tulungan ang Irrigators Associations (IAs) na direktang ibenta ang kanilang mga produkto sa mga konsyumer at gawing mas accessible at abot-kaya ang pagkain para sa mga mas nangangailangan.
Pagbibigay-diin ng NIA, mananatili itong nakatuon sa pagpapataas ng produksyon ng bigas na tugma sa hangarin ni Pangulong Marcos sa kanyang itinatatag na Bagong Pilipinas.