Binigyang linaw ni incoming Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na hindi umano ipinangako ni President-Elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 20 pesos na presyo sa kada kilo ng bigas, kundi hangarin pa lamang ito.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Estrella, hindi pa posible sa ngayon na ibaba ang presyo ng bigas dahil kailangan pa muna itong pag-aralan ng husto bago ipatupad.
Ayon kay Estrella na sa ngayon, maaari lamang ipatupad ng bagong administrasyon ang P27 hanggang P28 na presyo sa kada kilo ng bigas.
Sinabi ng kalihim na kailangan pa muna nilang magsunog ng kilay dahil mataas parin sa ngayon ang presyo ng langis at abono.
Sa ngayon, isinusulong ni Estrella ang paggamit ng tamang binhi, modernong teknolohiya, at soil analysis para mapataas ang lokal na produksyon ng palay sa bansa.
Bukod pa dito, isa sa mga itutulak na programa ni Estrella bilang kalihim ng DAR ay ang pagbibigay ng titulo ng lupa para sa mga magsasaka, bukod sa certificate of land ownership na makakatulong sa mga nag-aalaga ng hayop o livestock kasabay ng pagtatanim.
Iginiit pa ni Estrella na hihingi siya ng tulong sa data scientist para magabayan ang kanilang ahensya sa pagpapatakbo ng kanilang mga programa.