Naharang ng mga operatiba ng Bureau of Customs Ninoy Aquino International Airport (BOC NAIA) ang aabot sa P200,000 halaga ng kush weeds at mga hinihinalang liquid marijuana.
Ayon sa BOC NAIA, nakumpiska ang mga kontrabando mula California sa PhilPost central mail exchange center sa Pasay City.
Idineklara ang kargamento bilang sapatos at tsokolate pero isinailalim sa pagsusuri matapos mapansin ng mga otoridad ang amoy nito na katulad ng mga una nang mga nakumpiskang kontrabando ng marijuana.
TINGNAN: Tinatayang P200,000 halaga ng kush weeds at liquid marijuana, nasabat ng Customs NAIA mula California, USA. Idineklara ang mga ito bilang isang pares ng sapatos at tsokolate. ( Bureau of Customs NAIA/Facebook) pic.twitter.com/4FM0yAyJNt
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) January 7, 2020
Agad namang nakipag-ugnayan ang BOC NAIA sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group kung saan narekober ang apat na pakete ng kush o high grade marijuana at 10 cartridge ng liquid marijuana.
Kasunod nito, inaresto ng mga otoridad ang consignee na kinilalang si Xavier Martin Bulos na taga-Sampaloc, Maynila matapos nito tangkaing kunin ang kargamento. —ulat ni Raoul Esperas (Patrol 45)