Nakatakdang mamahagi ang gobyerno ng P206.5-B ng subsidy at cash support o ayuda sa susunod na taon dahil sa gitna ng sumisirit na inflation rate sa bansa.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), saklaw ng alokasyon ang cash transfers at iba pang subsidy programs ng pamahalaan.
Pinakamalaking bahagi ng nasabing pondo o P165.40-B ay ilalaan sa DSWD para sa social assistance programs habang ang P22.39-B ay para sa medical assistance to indigent and financially-incapacitated patients ng DOH.
Makatatanggap naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P14.39-B habang P2.5-B sa Department of Transportation at P1-B para sa Department of Agriculture at iba pang kagawaran.
Magugunitang sumampa sa 7.7% ang inflation rate noong Oktubre, ang pinakamabilis na paggalaw ng presyo ng mga bilihin sa nakalipas na 14 na taon.
Samantala, target na pirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang proposed 2023 National Budget sa kalagitnaan ng Disyembre. —sa panulat ni Jenn Patrolla