Nilinaw ng Department of Agriculture na hindi pa ibinebenta sa lahat ng regular kadiwa centers sa Metro Manila ang P25 na kada kilo ng bigas.
Inihayag ni DA Agribusiness and Marketing Assistance Service Director Junibert De Sagun na pawang commercial rice at iba pang produkto ng magsasaka ang ibinebenta sa mga Kadiwa store sa ngayon at hindi bigas mula sa National Food Authority.
Nito lamang Miyerkules ay pinangunahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang paglulunsad ng “Kadiwa sa pasko” project sa mandaluyong kung saan nagbenta ang NFA ng P25 per kilo ng bigas.
Gayunman, may ilan namang kadiwa centers na nagbebenta ng P44 per kilo o mas mahal pa na commercial rice.
Ayon kay De Sagun, makikipag-ugnayan pa sila sa NFA upang mabatid kung mayroon pang sapat na supply ng murang bigas para sa mahigit dalawandaang kadiwa centers sa buong bansa.
Alinsunod na rin anya sa utos ng pangulo ay asahang magkakaroon ng murang bigas sa Kadiwa centers sa tulong ng NFA.
Ang Kadiwa ay proyekto ng DA kung saan direktang ibinebenta ng farmer cooperatives ang kanilang mga produkto sa mas murang presyo.