Ipinababalik ng Commission on Audit (COA) ang nasa P260.5-million na incentives na ipinamahagi ng Government Service Insurance System (GSIS) sa kanilang mga empleyado.
Batay sa 2018 annual audit ng COA, maituturing na iligal na paggasta ang pagkakaloob ng GSIS ng tig-P100,000 sa kanilang 2,615 empleyado bilang pagkilala sa mahusay na serbisyo ng mga ito.
Ito ay dahil wala itong opisyal na pahintulot at rekomendasyon mula sa Department of Budget and Management (DBM) at tanggapan ng pangulo.
Bukod dito, mali rin anila ang pagkuwenta ng GSIS sa ipinamigay na insentibo na dapat ay nakabatay sa savings ng kumpanya mula sa pinakamahusay na performance nito dahil sa pagiging bukod tanging institusyon.
Samantala, tutol naman ang pamunuan ng GSIS sa kautusan ng COA na i-refund ang ipinamigay na insentibo dahil nagpapakita anila ito ng good faith lalo’t inaprubahan naman ito ng Civil Service Commission.