Nasamsam ang may P15 milyong pisong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa bahagi ng Quirino Avenue sa lungsod ng Maynila.
Pasado alas-2:00 kaninang madaling araw nang ilunsad ng mga operatiba ng PNP-CIDG ang anti-drug operation sa lugar kung saan nakakumpiska sila ng apat na kilo ng shabu.
Arestado ang tatlong (3) suspek na sina Nasrullah Ulimpin alias “Alex,” Chinese Welson Cai, at Samsamin Ali Markalanga.
Nakakulong na sa Camp Crame ang mga suspek habang inihahanda na ang isasampang kaso na paglabag sa Dangerous Drugs Act.
Batangas
Samantala, arestado naman ang 2 babae matapos mahulihan ng 12 milyong halaga ng umano’y shabu sa lalawigan ng Batangas.
Kinilala ni Provincial Police Director Sr. Supt. Arcadio Ronquillo, Jr., ang mga suspek na sina Cecil Cordova at Francy Grace Calderon, kapwa residente ng Barangay 7 sa Lipa City.
Ayon naman kay Lipa Police Chief Superintendent Bernard Dasugo, isinailalim muna nila sa isang buwang surveillance operation ang mga suspek bago ikinasa ang nasabing buy bust operation.
By Meann Tanbio | Jelbert Perdez | Aya Yupangco (Patrol 5)