Halos dalawampu’t walong (28) bilyong piso ang inaasahang kikitain ng pamahalaan mula sa STL o small town lotter ng PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office ngayong taon.
Ayon kay PCSO Chairman George Corpuz, ang mas malaking kita ay bunga ng pinalawak nilang operasyon ng STL mula sa dating labing walong (18) korporasyon ay ginawa na itong limampu’t anim na (56) korporasyong mag-ooperate sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sinabi ni Corpuz na maliban sa matitigil na ng operasyon ng iligal na sugal lalawak pa ang serbisyong medikal na puwedeng itulong ng PCSO sa mahihrap.
Una nang inihayag ng PCSO na ang mga magsisilbing korporasyon na magpapatakbo ng STL ay ang mga operators ng jueteng, sa Luzon, masiao sa Visayas at last two sa Mindanao.
Samantala, bubuo ng partnership ang PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office sa mga operators ng jueteng, masiao at iba pang iligal na sugal sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ayon kay PCSO General Manager Alexander Balutan, gagawin nilang korporasyon ang mga nagpapatakbo ng iligal na sugal upang patakbuhin ang small town lottery.
Kapag naging korporasyon na anya ang jueteng sa Luzon, masiao sa Visayas at last two sa Mindanao, magbabayad na sila ng buwis sa gobyerno na ibabalik naman sa taongbayan sa pamamagitan ng serbisyo publiko at mas malawak na health services.
Sinabi ni Balutan na bahagi ito ng kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na sugal, katiwalian kasabay ng pagkalap ng malaking pondo na ipantutulong sa mahihirap.
By Len Aguirre