Aabot sa P29.5 -M na halaga ng High Grade Marijuana o Kush ang naharang ng Bureau of Customs sa isang shipment na dumating sa Manila International Container Port mula Thailand.
Nagsagawa ang mga tauhan ng B.O.C. ng 100 % physical examination sa designated examination area ng M.I.C.P. noong April 19, 23, at 24 at nadiskubre sa tatlong kahon ang pinatuyong dahon ng Marijuana na tumitimbang ng mahigit 21 kilo.
Naka-consign umano ang shipment sa isang Wilma at Erickson Bulahagui at dumating noong April 12.
Mayroon pa umanong 71 kahon na kasabay ang binuksang tatlong kahon mula sa thailand at susuriin din ng aduwana kung may lamang kontrabando ang mga ito.
Pinapurihan naman ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang mga tauhan ng BOC sa kanilang masigasig na pagganap sa kanilang tungkulin at pagtugon sa hamon ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na labanan ang pagpasok ng iligal na droga at smuggled na produkto sa bansa.