Naging matagumpay ang paglulunsad ng P29 rice program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang binigyang-diin ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Genevieve Guevarra.
Ayon kay ASec. Guevarra, tuwang-tuwa ang mga benepisyaryo ng naturang programa dahil nabigyan sila ng pagkakataon na makabili ng dekalidad na bigas sa murang halaga.
Matatandaang inilunsad kamakailan ang rice program ni Pangulong Marcos sa sampung Kadiwa stores sa Quezon City, Marikina, Taguig, Caloocan, Valenzuela City, at Bulacan.
Iniaalok ang P29 per kilong bigas sa vulnerable sectors o sa mga lubos na nangangailangan, kabilang na ang senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at solo parents.
Kaugnay nito, kinilala ni La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V ang malaking tulong ng programa ni Pangulong Marcos sa ekonomiya at lipunan. Aniya, sumasalamin ito sa pangako ng administrasyon sa pagharap sa inflation at pagbibigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan.
Nauna pa rito, nangako si Pangulong Marcos na gagamit ang pamahalaan ng makabagong teknolohiya upang matiyak ang matatag na suplay ng bigas sa bansa sa abot-kayang halaga.