Planong dagdagan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga Point-to-Point (P2P) bus na naka-deploy sa EDSA.
Napag-alaman kay DOTr Assistant Secretary Mark De Leon na sa kasalukuyan ay dalawangpo’t isang (21) mga P2P bus ang pinalabas bilang alalay sa mga pasahero ng MRT – 3 na madalas maperwisyo dahil sa madalas na aberya sa tren.
Bagamat pag-aari ng pribadong kumpanya ang mga bus, P15.00 na flat rate lamang ang pasahe mula North Avenue patungo ng Ortigas at North Avenue hanggang Ayala.
Sinabi ni De Leon na abot lamang sa limangpung (50) minuto ang biyahe mula sa normal na isa at kalahating oras, dahil mayroong escort na Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP–HPG) ang bawat bus.
Magugunitang bumiyahe na muli ang P2P buses kahapon, Pebrero 1.
Buwan ng Nobyembre pa noong nakaraang taon nang huling magtalaga ng P2P buses para magsakay ng mga pasahero na ayaw pumila ng matagal sa MRT–3.