Bumiyahe na muli ang point-to-point (P2P) buses na magbibigay ng alalay sa mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3.
Batay sa abiso ng Department of Transportation o DOTr, nagpakalat sila ngayong araw, Pebrero 1, ng nasa dalawangpo’t dalawang (22) airconditioned bus na biyahe mula North Avenue Station hanggang Ortigas at Ayala.
Ayon pa sa DOTr, sa bus lane dadaan ang mga P2P bus at may escort ito na mga tauhan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP – HPG) at Land Transportation Office (LTO) kaya inaasahan na mabilis ang biyahe ng mga ito.
Buwan ng Nobyembre pa noong nakaraang taon nang huling magtalaga ng P2P buses para magsakay ng mga pasahero na ayaw pumila ng matagal sa MRT–3.
Ngunit pinili ng karamihan sa mga pasahero ang MRT kahit pa libre ang sakay sa mga bus, katwiran ng iba mas mabuti nang pumila ng mahaba kaysa sumakay ng bus at ma-traffic.
Ilan din sa mga pasaherong sumubok ng bus ang nagsabing babalik na lamang sila sa MRT.