Tinatayang aabot sa P1.5-M ang mawawala sa kita ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 kada araw matapos ng pagpapasara sa tatlong istasyon nito dahil sa nangyaring sunog.
Ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Spokesperson, Atty. Hernando Cabrera, sa kanilang naunang pagtaya, posibleng umabot sa P3.2-M ang lugi ng LRT line 2 kung naipasara ang buong linya nito.
Gayunman, dahil makakapagsimula na aniya ng partial operations at ang mga istasyon na lamang ng Santolan, Katipunan at Anonas ang isasara, lumiit sa halos kalahati ang tinatayang magiging lugi kada araw ng LRT line 2.
Una nang sinabi ni Cabrera na inaasahang aabot sa siyam na buwan ang pagkukumpuni sa tatlong istasyon ng LRT 2 kasunod ng pagkakasunog power transformer nito.
Samantala, sisimulan naman ang partial operation ng LRT 2 o biyahe mula Cubao hanggang Recto at pabalik sa susunod na linggo.