Aabot sa humigit kumulang 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng nasa P3.4-B ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng PNP at PDEA sa Candelaria, Zambales.
Nagresulta ito sa pagkakapatay sa 4 Chinese Nationals na kinilalang sina Gao Manzhu, Hong Jianshe at Eddie Tan na pawang nagmula pa sa Fujian, China at Isang Xu Youha na residente naman ng Quezon City.
Ayon kay PNP chief P/Gen. Guillermo Eleazar, nauwi sa engkwentro ang ikinasang operasyon makaraang manlaban ang mga Tsino sa mga awtoridad matapos magtangkang tumakas.
Dagdag naman ni PDEA director general Wilkins Villanueva, pawang mga miyembro aniya ang 4 na Tsino ng isang transnational drug syndicate na nag-o-operate sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng hot pursuit operations ang PNP at PDEA para tugisin ang iba pang kasabwat ng mga napatay na suspek.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala sa panulat ni Rex Espiritu