Pormal nang inilunsad ang bagong financial assistance program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “Ayuda para sa Kapos ang Kita Program” (AKAP).
Ipinag-utos ni Pangulong Marcos na buuin ang naturang programa upang maalalayan ang mga Pilipino sa epekto ng mga hindi inaasahang hamon sa ekonomiya, katulad ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation.
Layunin ng AKAP na ipamahagi ang halos P3 billion cash aid sa mahigit isang milyong Pilipino na makatatanggap P3,000 bawat isa.
Sa temang, “Isang Araw, Isang Milyon, Isang Bayan”, sabay-sabay na isinagawa ang programa sa 334 na lugar sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bahagi ang AKAP sa halos kalahating trilyong pinansyal na ayuda na nilagdaan ni Pangulong Marcos sa ilalim ng 2024 budget.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, para sa lahat ng pamilyang Pilipino na kumikita ng minimum wage o mas mababa pa ang AKAP na inaasahang makatutulong upang makaraos sila sa araw-araw na gastusin.
Dagdag pa ng House Speaker, sa pamamagitan ng AKAP, masisigurong walang Pilipinong maiiwan sa panahon ng krisis; alinsunod sa misyong ibinigay sa kanila ni Pangulong Marcos na tiyaking may maaasahang kakampi ang bawat isa na handang umalalay sa panahon ng pangangailangan, saanmang sulok ng bansa.