Inihayag ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na posibleng mawalan ng P3bilyon kada linggo ang ekonomiya ng bansa matapos ang muling pagpapatupad ng alert level 3 sa Metro Manila at iba pang karatig lalawigan kabilang na ang Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal.
Ayon sa DBCC, malaki ang naging epekto ng muling pagsirit ng covid-19 cases kung saan, pumalo sa 21,819 ang karagdagang panibagong kaso habang 77,369 naman ang kabuuang bilang ng aktibong kaso.
Bukod pa dito, nadagdagan din ng 29 ang bilang mga nagpositibo sa omicron variant dahilan para pumalo na sa 43 ang kabuuang bilang nito.
Dahil dito, nagpaalala ang DBCC na kailangang may sapat na bakuna at pondo ang pamahalaan para sa booster shots upang mas lalong maabot ang mahigit limampung milyong fully vaccinated individuals.
Sinabi pa ng DBCC na malaking tulong din ang 2022 general appropriations act para sa patuloy na pagtugon ng gobyerno sa pandemya. —sa panulat ni Angelica Doctolero