Habang papalapit ang 2025 midterm elections, iginiit ni Pasig mayoralty aspirant Sarah Discaya na magiging pantay-pantay ang pamamahagi niya ng city government funds at resources sa lahat na sektor ng lungsod upang matiyak umano na walang Pasigueño na maiiwan sakaling siya’y palarin na maihalal.
Kamakailan lamang ay pumutok ang balita na umabot ng mahigit P3.025 bilyon ang surplus fund o sobrang pondo ng Pasig City ngayong taon sa ilalim ng pamumuno ni Pasig City Mayor Vico Sotto.
Ang surplus funds ay ang sumobrang pondo mula sa kinita ng local government unit matapos maiawas ang kabuuang gastusin ng lungsod.
Ayon sa advocacy group na Tindig Pasig, ang dahilan ng malaking surplus fund na ito ay dahil kinuripot umano ng alkalde ang badyet ng lungsod para sa mga social services gaya ng healthcare services, edukasyon, peace and order, at social protection dahil inilalaan ito ng mayor para sa proyekto nitong P9.62 bilyong bagong Pasig City Hall.
“Ayaw gastahin ang pondo sapagkat isinakripisyo ang badyet para sa basic services para matustusan ang garbo ng P9.62 bilyon na bagong munisipyo,” sabi ni Ram Cruz, isa sa mga lider ng nasabing grupo.
Matatandaang bumagsak ang lungsod sa ika-9 na pwesto mula sa ranggo nitong ika-6 noong 2019 sa 2024 Rankings of Highly Urbanized Cities sa ilalim ng Cities and Municipalities Competitive Index na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Malaki ang naging kontribusyon ng kategoryang government efficiency sa nasabing rankings na kinabibilangan ng government services tulad ng health services, peace and order, school services, at social protection.
Dagdag pa rito, ilan din sa mga senior citizens ang nagsasabing kulang umano ang mga benepisyong kanilang natatanggap mula sa kasalukuyang administrasyon sa ilalim ni Sotto. Lalo na sa usapan ng healthcare o medical services na kayang tugunan ang pangangailangang pang-kalusugan ng mga senior citizen.
“Under my watch, this will not happen because I want equal distribution of wealth and resources to all Pasiguenos,” sabi ni Discaya.
Isinaad pa ni Discaya, na kilala sa tawag na Ate Sarah, na kailangan umano ng Pasig na magkaroon ng mga bagong health centers upang masigurong mayroong tag-iisang healthcare facility at sapat na health workers ang bawat komunidad ng lungsod.
Layunin ni Discaya na gawin umanong ‘smart city’ ang lungsod ng Pasig na mayroong smart hospitals, smart schools, housing buildings, at sistematikong transport system.