Inihihirit ng grupo ng transportasyon ang P3 provisional increase sa minimum fare sa mga pampasaherong jeep bunsod ng walang puknat na pagtaas sa presyo ng langis sa international market.
Kabilang sa P3 taas-singil sa pasahe ang P1 hike sa minimum fare na ipinagkaloob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga pampasaherong jeep sa National Capital Region (NCR), Central Luzon, mga lugar na sakop ng Region 4A at Region 4B.
Nabatid na limang transport groups ang naghain ng petisyon sa LTFRB noong Hunyo a-8 para sa 1 peso hike bilang tugon sa problema ng mga tsuper at operators na napilitang magtigil-pasada dahil ang malaking halaga sa kanilang kinikita ay napupunta lamang sa gasolina.