Aabot sa 30 milyong pisong halaga ng mga pekeng Paracetamol at iba pang gamot ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Parañaque City.
Nakumpiska ng BOC ang mga kontrabando katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Intelligence Service-Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Nadiskubre ang mga gamot na nakasilid sa mga kahong may chinese characters sa loob ng dalawang storage spaces sa Highland Street, Severina Subdivision, Barangay Marcelo Green.
Ayon kay Raniel Ramiro, Customs Deputy Commissioner ng Intelligence Group, nasakote naman ang isang suspek na pakistani na kinilalang si Adel Rajput, 31 anyos, residente ng Caloocan City.
Nakasaad sa sertipikasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA) at Unilab Pharmaceuticals na peke ang mga gamot.