Tumataginting na P316 milyong halaga ng mga smuggled items ang nasabat ng mga elemento ng Bureau of Customs (BOC) sa Navotas at Pasay City.
Ayon kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, unang sinalakay ng kanyang mga tauhan ang isang storage facility sa Navotas kung saan nakumpiska mula rito ang ilang frozen food items, kabilang ang duck meat, na tinatayang nagkakahalaga ng P16 milyon.
Nang inspeksiyunin naman ang isa pang storage facility sa Pasay, nakasamsam ang mga awtoridad ng mga pekeng luxury brand clothing items na umano’y nagkakahalaga ng P300 milyon.
Kasalukuyan pang iniimbentaryo ang mga nasabat na kontrabando habang ang mga may-ari naman ng mga pasilidad ay kapwa sasampahan ng mga kaukulang kaso.