Hindi na maaaring ma-realign o malipat pa ang P389-milyong pondo ng Manila Bay rehabilitation para sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang iginiit ng Malacañang sa gitna ng mga batikos na hindi napapanahon ang proyekto lalo na’t nasa gitna ng pandemiya ang bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nasimulan na ang Manila Bay white sand project kaya kinakailangan nang tapusin ito.
Paliwanag ni Roque, tanging ang pondo lamang ng mga hindi pa nasisimulang proyekto o programa ang maaaring i-realign.
Binigyang diin ng kalihim, bahagi lamang ang white sand project sa buong programa ng pamahalaan para sa rehabilitasyon ng Manila Bay na ipinanukala noong nakalipas na dalawang taon at nabigyan ng pondo sa 2019 national budget.