Apat na bilyong pisong ransom ang hinihingi ng Abu Sayyaf para sa 3 dayuhan at 1 Pilipina na dinukot sa Samal Island noong September 21.
Isinapubliko ito sa pamamagitan ng 87-segundong video na nakuha ng Site Intelligence Group, isang grupo na nagmomonitor ng mga terorista sa buong mundo.
Si John Ridsdel, ang Canadian na isa sa mga biktima ang pinagsalita hinggil sa P1 bilyong pisong ransom sa bawat isang biktima habang nakatutok ang machete sa kanyang leeg.
Pinagsalita rin ang isa pang Canadian national na si Robert Hall at umapela sa kanilang pamahalaan na magbayad ng ransom dahil nanganganib ang kanilang buhay.
Nasa video rin ang iba pang mga biktima na sina Norwegian national Kjartan Sekkingstad at Filipina na si Marites Flor.
Napapaligiran ang 4 ng mga armadong lalake na nakasuot ng itim na damit at may bandila rin ng ISIS sa likod ng grupo.
Sa huling segundo ng video ay nagsalita ang isa sa mga armadong lalake at binigyang diin na handa silang patayin ang apat nilang bihag kung hindi mababayaran ang kanilang hinihinging ransom.
By Len Aguirre