Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Department of Budget and Management na ibalik ang apatnaraang milyong pisong branding budget ng Department of Tourism.
Sa pulong sa Malacañang, binigyang diin ni Pangulong Marcos na hindi dapat masayang ang momentum ng ahensya sa pag-angat ng international image ng bansa, lalo na’t naging sentro ng atensyon ang Pilipinas dahil sa mga nakamit na tagumpay ng ilang Pilipino.
Kabilang na rito ang nasungkit na dalawang gold medal ni Carlos Yulo mula sa Paris Olympics at ang pagka-panalo ni Sofronio Vasquez sa isang prestihiyosong talent search show.
Binanggit din ng Pangulo ang hindi malilimutang dedikasyon ng Filipino Health Workers sa buong mundo noong panahon ng pandemya, na naging bahagi ng pagpapalaganap ng magandang imahe ng Pilipinas.
Dagdag pa ni PBBM, kukunin ang pondo mula sa contingency fund ng Office of the President. – Mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)