Nananawagan si Kapatiran party at tropang Leni-Kiko senatorial candidate, Atty. Alex Lacson, na dapat ay tingnan ng senado ang umano’y 48-56 million pesos na kinikita kada araw ni Dennis Uy at kanyang Udenna Corporation mula sa Malampaya gas field.
Ayon kay Lacson, nag-iimbestiga aniya mga ito sa pagbenta ng Chevron ng 45% participating interest ng contractor’s portion ng malampaya kay Dennis Uy at Udenna Corporation nito sa halagang 565 million dollars noong Marso, 2020.
Dagdag ng senatorial bet na dahil natural na yaman ng bansa ang malampaya gas field ay marapat lamang na taong bayan ang makinabang dito at hindi dumiretso sa bulsa ng mga indibidwal na negosyante at mga dayuhang mangangalakal.
Dapat umanong mapunta ang pera sa gobyerno upang magamit ang pondo para sa bagyong Odette victims, mga nangangailangan ng ayuda dahil sa covid, at para sa proteksyon ng mga health workers.
Nabatid na si Alex Lacson ay matagal nang kumakatawan sa kampanya sa mabuting pamamahala ng administrasyon upang makatulong sa pagkamit ng kanilang mga layunin sa pag-unlad at mga programa sa pagbabago.
Samantala, ang naturang alegasyon ni lacson ay base sa ulat sa Commission on Audit (COA) na nakakuha ang Chevron ng average na 20.47 billion pesos kada taon mula 2018 hanggang 2020.