Aabot sa 5.268 trillion pesos na national budget ang posibleng hingin ng susunod na administrasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior para sa taong 2023.
Kumpara ito sa 5.024 trillion pesos na pondo ng pamahalaan ngayong 2022 na hiningi ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) matapos ang 181st Meeting ng Inter-Agency Development Budget Coordination Committee na binubuo ng mga economic manager ng bansa.
Ayon kay DBM Officer-In-Charge Tina Rose Marie Canda, ang naturang proposed national budget ay katumbas ng 22.1% ng Gross Domestic Product ng bansa.
Lampas din ito sa “budget ceiling” na itinakda ng economic managers na 5.242 trillion pesos noong December 2021.
Nagtakda anya ang economic team ng National Budget Cap para sa taong 2023 dahil sa inaasahang mas mataas na revenue collections sa susunod na taon.
Pinayuhan naman ni Canda ang incoming administration ni Marcos na manatili lamang sa budget ceiling para sa tinatawag na “Prudent Fiscal Management.”