Higit sa 27,500 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng P5.5 million ang binunot at sinunog ng pulisya sa isinagawang dalawang araw na eradication operation sa Tinglayan, Kalinga.
Ayon kay Police Capt. Ruff Manganip, spokesperson ng Kalinga police, unang nadiskubre ng kanilang operating units ang 20,000 na pananim ng marijuana sa isang lupain sa Brgy. Loccong.
Kinabukasan, isa pang plantasyon ng marijuana ang natagpuan sa kalapit na lugar kung saan binunot ang 7,500 fully grown marijuana plants.
Sinunog ang mga naturang pananim, habang dinala ang ilang samples sa provincial police headquarters para sa documentation at proper disposition.
Kasalukuyang nagsasagawa ang pulisya ng follow-up investigation upang matukoy kung sino ang mga nagtanim nito.