Humihirit ng P5-B pondo ang Department of Labor and Employment (DOLE) mula sa panukalang Bayanihan 3 bilang pantustos sa mga manggagawang naubusan ng leave credits at kailangang mag-absent dahil sa pandemya.
Posibleng mapabilang dito ang mga tatamaan ng COVID-19, maka-quarantine bilang close contact o di kaya’y nakaranas ng adverse effects dahil sa bakuna.
Ayon kay labor assistant secretary Dominique Rubia-Tutay, tiyak na pipiliting pumasok ng mga manggagawa dahil natatakot ang mga itong walang suwelduhin o magutom.
Sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3, na pumasa na sa kamara, may P30-B ang kagawaran para sa cash assistance program sa mga displaced worker at OFW, at emergency employment sa informal sector.
Gayunman, wala pang iniisyung certificate of availability of funds ang bureau of treasury na titiyak na may sapat na pera ang gobyerno para pondohan ang naturang panukalang batas. — sa panulat ni Drew Nasino.