Nasabat ng mga otoridad ang aabot sa limang milyong pisong halaga ng iba’t-ibang mga smuggled na sigarilyo sa Barangay Old Bulatukan, Makilala, Cotabato.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 12, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa isang 6-wheeler cargo truck na puno ng smuggled goods kaya’t kaagad silang nagkasa ng border checkpoint.
Mula umano sa Davao Del Sur ang truck na may karga ng mga kontrabando at nakatakda sanang ibyahe patungong General Santos City.
Wala umanong maipakitang dokumento ang mga suspek na sina Rey Arnold Etil Mariscal, Rheno Quiao Mariscal, Romulo Calibo Soria, Pablito Agravante Elorcha at Glenn Torres Judilla nang isagawa ang inspeksyon kaya’t kinumpiska ang naturang mga sigarilyo.
Maliban sa mga sigarilyo, ay nakumpiska rin ng mga otoridad ang isang hindi lisensyadong baril.
Sa ngayon ay nakakulong na ang mga suspek sa Pro-12 headquarters sa Barangay Tambler, General Santos City. —sa panulat ni Hya Ludivico