Maaaring umabot ng ₱50 ang pamasahe kung tuluyan nang mapalitan ng makabagong public utility vehicles (PUVs) ang traditional jeepneys ayon sa isang grupo.
Para kay Commuters of the Philippines chairperson Julius Dalay, malaki ang epekto ng PUV modernization sa pamasahe dahil sa amortization o hulugang pagbabayad upang makabili ng modernong dyip.
Aniya, hindi malabong umabot sa ₱50 ang pamasahe sa dyip na inaasahan ng masa pagdating sa abot-kayang pamasahe.
Dagdag pa ni Dalay, kung magiging mahal na ang pamasahe, posibleng lumipat na lang ng trabaho ang ilang empleyado o kaya naman ay maghanap ng work-from-home jobs.
Sa kabila nito, inihayag niyang wala namang may ayaw sa modernization. Dapat lang umano itong i-timing at i-phasing.
Matatandaang una nang tinanggihan ng pamahalaan ang panawagan ng ilang transport groups na i-atras ang consolidation ng mga prangkisa sa itinakda nitong deadline noong December 31, 2023.