Pinag-aaralan na ng gobyerno at grupo ng mga manggagawa ang pagbibigay ng 500 buwanang subsidy sa mga manggagawang sumasahod ng minimum wage.
Ayon sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP sapol ng TRAIN Law ang mga sumusweldo ng minimum dahil hindi naman ito kasama sa mga nadagdagan ang take home pay.
Kasabay ng paggalaw ng presyo ay bumaba naman ang purchasing power ng maraming empleyado.
Tinukoy pa ng grupo na tumatanggap ng 512 pesos ang minimum wage earner sa Metro Manila ngunit halos 357.29 pesos lamang ang tunay na halaga nito dahil sa taas ng presyo ng mga bilhin dagdag pa ang iba pang gastusin.
Unti-unti na ring naaapektuhan ng TRAIN Law ang presyo ng iba pang basic goods.
Sa ilang supermarket, tumaas ng P0.25 ang kada lata ng sardinas; corned beef P0.30; meat loaf P0.30 hanggang P0.35.
Ayon sa Department of Trade and Industry o DTI, magtataas din ng P0.90 hanggang P1 kada bote ang isang brand ng toyo, patis at suka.
Dahil dito, hinimok ng consumer group na laban konsyumer ang DTI na ipabatid na sa publiko ang lahat ng price adjustments sa pamamagitan ng paglalathala ng adjusted suggested retail price.
—-