Muling nanawagan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa mga driver at operator ng dyip na ipatupad ang bagong minimum na pamasahe.
Ang panawagan na ito ng ltfrb ay kasunod ng mga naunang ulat kaugnay ng ilang tsuper na hindi sumusunod sa P7.00 minimum fare sa metro manila, region three at region four.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni LTFRB Board Member Atty. Antonio Ariel Inton na P5,000 multa at pagkansela sa prangkisa ang posibleng kapalit ng paglabag sa kautusan.
“May mga nagreklamo, kailangang ma identify kung sino ang jeepney driver, ano ang byahe nya at plaka, papatawan namin ng P5,000 dahil over charging kapag hindi nagbigay ng P7.00 minimum fare. Sa estudyante at senior citizen, iiral pa rin ang 20% na discount”
Samantala, pinayuhan din ni inton ang mga pasahero na magdala na ng eksaktong barya para hindi na maisahan pa ng ilang abusadong jeepney driver.
“Sa mga mananakay ang payo natin magdala tayo ng exact fare para hindi na tayo maging biktima ng mga driver na nagsasabing wala silang panukli,” paliwanag ni Inton.
Noong Biyernes, sinimulang ipatupad ang bagong minimum na pamasahe matapos ang sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng langis.
By: Allan Francisco