Aabot sa kalahating milyong pisong halaga ng smuggled cigarettes ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa dalawang indibidwal sa magkakahiwalay na lugar.
Ayon kay PNP-CIDG Dir. Pol. Brig. Gen. Ronald Lee, sa ikinasang Oplan Mega Shopper, naaresto sa operasyon ang mga suspek na kinilalang sina Jun Minguito Esin at Aaron Lui Wong na naaktuhang nagbebenta ng iba’t ibang uri ng smuggled na sigarilyo.
Una nang naaresto si Esin sa Molave, Zamboanga Del Sur, kung saan nakumpiska sa kanya ang P228,000 na halaga ng smuggled na sigarilyo.
Habang nakuha naman kay Wong ang P240,000 na halaga ng smuggled na sigarilyo kasama ang isang ford ranger, smart phone, at marked money sa parking area ng isang mall sa Bacoor City, Cavite.
Nahaharap ngayon sa paglabag sa RA 8424 o Tax Reform Act of 1997 si Esin habang nahaharap naman sa paglabag sa RA 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines si Wong.