Makatatanggap ng P500,000 pabuya ang sinumang makapagbibigay impormasyon sa kinaroroonan ng murder suspect na si Asnawi “Jojo” Limbona, ang umano’y mastermind sa pamamaril noong January 2, 2024, sa Brgy. Rosary Heights 2, Cotabato City kung saan target ang alkalde na nagresulta sa pagkamatay ni PSSgt. Zahraman Mustapha Dicolano.
Sa panayam kay Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte Mayor Lester Sinsuat, nag-ambagan sina Barangay Captain Loaykeit Sinsuat at ang community leaders upang mabuo ang pabuya para sa makakapagturo ng kinaroroonan ni Jojo Limbona.
Iginiit rin ni Mayor Sinsuat, existing pa rin ang arrest warrant na inilabas noong May 6, 2024, ng Cotabato City Regional Trial Court Branch 13 laban sa akusadong si Limbona at tatlong iba pa sa kasong murder na may Case No. 2024-C-15040 kung saan nagpalabas ang RTC Branch 13 ng warrant of arrest laban sa mga akusado.
Sa isinagawang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo na batay sa ulat ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ay hawak pa rin nila ang warrant of arrest na inilabas ng korte laban kina Limbona at tatlong iba pa.
Sa katunayan aniya, itinuring na ng PRO-BAR si Limbona bilang “Most Wanted Person” dahil sa kasong murder na isang non-bailable offense.
Nanawagan din si Fajardo sa publiko na ipagbigay-alam sa awtoridad ang posibleng kanyang kinaroroonan.
“We will make sure that your identity will remain confidential, at itong reward ay talagang ibinibigay natin dahil napakalaking tulong. It’s not all about money kundi iyong malasakit po nila sa kanilang kapwa tao at ang ating hangarin na mabigyan hustisya itong mga naging biktima,” sabi ni Fajardo.
Nagbabala rin si Fajardo sa mga tumutulong at nagkakanlong kay alyas Jojo Limbona na may posibilidad na maharap ang mga ito sa kasong obstruction of justice.
Nabatid na isang buwan matapos lumabas ang arrest warrant ay nananatiling ‘at large’ si Limbona at tatlong iba pang akusado sa kasong murder.