Matatanggap na ng mga pilipinong mangingisda na kasama sa bangkang sinalpok ng isang chinese vessel sa West Philippine Sea noong 2019 ang matagal nang inaasam na kompensasyon.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, anim na milyong piso ang matatanggap ng may-ari ng Gem-Ver Fishing Vessel at mga mangingisda bilang danyos sa insidente.
Ito, anya, ang pinal na napagkasunduan bilang damage claims ng Gem-Ver laban sa may-ari ng chinese vessel.
Hunyo 2019 nang i-ulat ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na lumubog ang F/B Gem-Ver matapos banggain ng barko ng China sa bahagi ng Recto Bank.
22 mangingisdang crew ng Gem-Ver mula San Jose, Occidental Mindoro ang naiwan na palutang-lutang nang ilang oras sa dagat hanggang mailigtas ng isang barko ng Vietnam.