Nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang nasa isang kilong hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa anim na milyong piso na ibiniyahe sa Camarines Sur mula Metro Manila.
Ayon sa PDEA Camarines Sur, isang buy bust operation ang kanilang ikinasa matapos makakuha ng tip kaugnay ng dinadalang mga iligal na droga mula Manila patungong Bicol gamit ang mga pribadong sasakyan.
Naaresto naman sa nasabing buy bust operations ang apat na mga suspek na kinilalang sina Olivia Encinas na taga-San Pedro Laguna, Rodigundo Celis na taga-Taguig, Joel Saut at Alvin Andaya na kapwa taga-Amadeo Cavite.
Batay din sa impormasyon ng PDEA, si Encinas ang itinuturing na lider ng mga transaksyon sa Bicol at umaabot pa hanggang Visayas.
—-