Pinababalik ng Commission on Audit (COA) sa Marina o Maritime Industry Authority ang halos P6 million pesos na ibinigay bilang bonus at allowance sa mga opisyal at empleyado nito noong 2014.
Ayon sa COA, walang legal na basehan para ipagkaloob ang nasabing pondo bilang benepisyo sa mga opisyal at empleyado ng Marina.
Batay sa record ng COA, tig-P20,000 ang nakuha ng kada opisyal at empleyado ng Marina sa central office nito gayundin ang Regions 4 at 5 bilang anila’y milestone accomplishment reward sa pagdiriwang ng 40th anniversary nito noong June 1, 2014.
Bukod pa ang accomplishment reward na P3,000 anniversary bonus na ibinigay din sa mga empleyado at opisyal ng Marina.
Lumalabas din sa report ng coa na binigyan ng P25,000 ng Marina central office ang 17 empleyado nito na nakaabot ng 25 taong serbisyo sa ahensya.
By Judith Larino