Nanawagan ang isang grupo ng taxi operator sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na payagan silang gawing 60 pisong flag-down rate para makatulong na maibsan ang kanilang kalagayan na dala ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay National Taxi Operators Association President, Attorney Jesus Manuel Suntay, hindi sapat ang kamakailan lamang na limang pisong dagdag sa flag-down rate ng mga taxi at Transport Network Vehicle Services (TNVS).
Katumbas lamang aniya ito ng karagdagang 100 piso kung mayroon silang average na 20 pasahero kada araw.
Giit pa ni Suntay na walang tulong ang limang pisong flag-down rate sa tumataas na presyo ng gasolina.
Kaya’t ang panukalang 60 pisong rate ay nakabase sa kasalukuyang halaga ng produktong petrolyo at bilang ng mga pasahero kada araw.
Matatandaan na inaprubahan ng LTFRB ang pisong provisional increase sa minimum na pasahe sa traditional at modern jeepneys.