Inihihirit nina Kabayan Party-list Representative Ron Salo at Ciriaco Calalang na gawing P600 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa.
Inihain ng dalawang mambabatas ang House Bill 7527 na naglalayong ipantay na ang lahat ng kita ng mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon sa sahod ng mga empleyado sa Metro Manila.
Dahil dito inaasahan anila na hindi na magsisiksikan sa National Capital Region o NCR ang mga manggagawa.
Bukod dito, magkakaroon na rin ng limitasyon ang kapangyarihan ng National Wages and Productivity Commission at ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa pagtukoy kung magkano ang kikitain ng mga manggagawa.
Samantala, P705 naman ang hirit ng grupong Makabayan Bloc bilang national minimum wage.
Ayon kay Anakpawis Representative Ariel Casilao, napapanahon na para itaas ang minimum wage upang makasabay rin ito sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa bunsod na rin ng TRAIN Law.
Kasalukuyang nasa P515 ang minimum wage sa Metro Manila habang mas mababa naman sa ibang rehiyon sa bansa.
—-