Aabot sa mahigit 126,000 Domestic Workers o Kasambahay sa Central Luzon ang makikinabang sa inaprubahang umento sa minimum na buwanang sahod.
Ayon sa Department of Labor and Employment, magiging 6,000 pesos na ang minimum monthly wage ng mga household worker sa rehiyon simula sa Abril 1.
Sa ilalim ng inilabas na Wage Order No. RBIII-DW-04 ng Regional Tripartite Wages and productivity board, madadagdagan ng P1,000 ang monthly minimum wage rate ng mga kasambahay sa Chartered Cities at First Class Municipalities, habang P1,500 naman sa iba pang mga munisipalidad.
Inaprubahan ang naturang wage order noong March 4, 2024.