Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang aabot sa P60 million halaga ng mga smuggled na asukal at paputok sa Subic Port.
Ayon kay Customs District Colletor Maritess Martin, kanyang ipinag-utos ang pag-iinspeksyon sa 34 na containers na dumating sa bansa galing Hong Kong noong Marso 31 hanggang Abril 7.
Ito ay matapos silang makatanggap ng impormasyon hinggil sa maling pagdedeklara sa mga kargamento bilang mga floor mat at plastic floor coverings na naka-consigned sa JRFP International Trading.
Dito na tumambad sa mga customs officials ng nasa 21,760 sako ng mga refined sugar galing Thailand at ilang kahon ng mga paputok.
Agad namang ipinag-utos ni Customs Commission Rey Leonardo Guerrero ang pagbawi sa accreditation ng kapwa importer at customs broker ng nasabing karagamento gayundin ang pagsasampa ng kasong paglabag sa section 1401 ng Customs Modernization and Tariffication Act.